Tuesday, September 06, 2005

Emotions Taking Me Over

May naganap na mobilization kaninang 10:30AM na nagsimula sa may Bellarmine Hall. Nanggaling ako sa 3rd floor nung mga oras na ‘yun dahil galing ako sa klase. Nakita ko ang ilang mga kaibigan ko na nakapulong sa may daanan ng sasakyan. Seryoso ang mga mukha nila at taimtim na nakikinig sa mga habilin ni Bro Rai. Inggit ang una ko’ng naramdaman nang makita ko sila. Inggit dahil gusto kong sumama. Gusto kong sumama kahit na alam ko na hindi pa ako nakapagdedesisyon ukol sa kung ano ba ang opinyon ko sa kahihinatnan ni GMA. Gusto ko’ng malaman ang katotohanan. Pero dahil may klase ako ng alas-dose, napagpasyahan ko na hindi sumama.

Dumeretso ako sa Mateo Ricci at ilang minuto lamang ay narinig ko na ang mga sigaw ng mga nagdedemonstrasyon. Iniikot pala nila ang buong campus. Nakakatawa pa na lumabas ako ng gusali, hindi dahil sasama ako sa kanila, kundi dahil pinulot ko ang nahulog kong ruler nung papasok ako ng gusali. May hiya akong naramdaman sa pagkakataong ‘yon. Nahiya ako dahil heto’t halos pinuntahan na ako ng grupong gusto ko’ng samahan pero literal ko silang tinalikuran noong pabalik ako ng gusali pagkapulot ng plastik na ruler.

Pagkapasok ko sa loob ng gusali, dalian ko’ng niligpit ang gamit ko. Mukhang desidido akong sasama sa kanila. May halos sampung tao ‘ata ‘yung kasama ko sa mesa. Walang may gustong sumama sa akin. Tinamaan na naman ako ng hiya. Nagtaka ako kung saan ito nanggaling. Umupo na lamang ako at nanahimik sandali.

Binalikan ko ang survey na pinasasagutan ng Puno ng Kamalayang Panlipunan ukol sa impeachment issue. Napilitan akong mamili sa mga limitadong solusyon sa isyu. Inisa-isa ko sila. Wala akong naramdaman kundi duda sa mga posibleng epekto ng mga “solusyong” ito. Napilitan akong mamili hindi dahil kailangan ko’ng pumili, kundi dahil sa kawalan ko ng alternatibong solusyon.

Binigyan ko pa ang sarili ko ng ilang minuto para pag-isipang mabuti ang bawat posibilidad na inihain sa akin. Bigla kong naalala ang sabi ng guro ko sa Teolohiya, na kahit limitado ang mga solusyon, kailangan pa ring mamili, at sa pagpili, tingnan kung alin sa mga pagpipilian ang para sa akin ang higit na may pag-asa. Binalikan kong muli ang papel, at sa wakas, nagkaroon na rin ako ng personal kong paninindigan ukol sa isyung ito.

Nagtaka naman ako kung bakit umabot pa ng ganito katagal ang pagdedesisyon ko, kung kailan natalo na ang pinanigan ko. Maaaring dahil sa survey ay napilitan akong umupo at pag-isipan talaga ito. Maaaring kinailangan ko muna’ng malaman na makatutulong sa pagdesisyon ko ang paghahanap ng pag-asa.

Bumalik ako sa naging pagdududa ko sa mga posibleng magiging epekto ng mga solusyong naimungkahi. Sa sobrang pagdududa ko, hindi ako nakakita ng alternatibong solusyon. Ngunit may kukurampot akong pag-asa na magiging maayos ang lahat. ‘Yun nga lang, hindi ko alam kung saan manggagaling ‘yung pag-asang tinutukoy ko.

Ayaw kong maniwala na wala nang pag-asa ang Pilipinas. Ika nga nila, habang may buhay, may pag-asa. Hindi pa huli ang lahat. Mawawalan ng katuturan ang lahat ng bagay kung mawawalan tayo ng pag-asa. Kahit na anong mangyari, may pag-asa pa rin.


*serious mode off*


Mga 9:40PM na ako nakauwi kagabi at pagkahapuna’y umupo na sa harapan ng computer. Halos 2:00AM na ako tumayo mula sa computer kaninang madaling araw sa pakikinig sa mga rambulan sa kongreso via DZBB online. Hindi ko inasahan na pagkapasok ko sa aking kwarto’y may naghihintay pala sa aking sorpresa.

To make the long story short, 3:15AM na ako nakatulog sa kaiiyak at nagdesisyong hindi na pumasok sa 7:30AM class ko.


You WERE the only person who knew how to surprise me.

You WERE always the best part of my day.

No comments: